i ♥ dicklit (ilovedicklit) wrote,
i ♥ dicklit
ilovedicklit

  • Mood:
  • Music:

Isang muning hatid ng mga awitin ni Donna Cruz

Ilang minuto na kong nakaharap sa salamin. Pilit inaayos ang sarili bago umalis ng bahay upang pumasok sa eskwela. Tulad ng karamihan, ginagawa ko itong pang-araw-araw na ritwal. Napansin kong matagal-tagal na rin palang pinapanood ng aking ina ang bawat kilos ko ng mga oras na yon.

"Grabe naman naglagay ka pa ng eyeliner," sabi nya nang magtagpo ang aming mga mata.

"E sa kilay ko naman nilagay e," paliwanag ko. "Uso kaya yon."

Patuloy akong naglagay ng pulbos. Nagmamadali dahil malapit nang mag-alas-nuebe at isang oras pa ang biyahe papuntang Mendiola galing samin.

"Sayo ba yang eyeliner na puti?" tanong nya matapos ang ilang sandali.

Tumingin ako sa lalagyan nya ng make-up. "Alin? Yung Chanel?"

Nagpahid ako ng pulbos sa ilalim ng mga mata sa pag-asang matakpan ang nangingitim kong mga eyebags. Tanging Pond's oil and blemish control lang ang ginagamit ko. Yung tan para mas mukhang natural. Ayoko kasing nahahalatang may nilalagay ako sa mukha ko.

"Oo, bigay sakin yan ng kaibigan ko galing Saudi," pahabol ko. "Wala naman daw gumagamit, e."

Naglagay ako ng wax sa kamay. Hanggang ngayon hindi pa rin ako nakakahanap ng hair product na bagay sa makapal kong buhok. Hinila ko ang bawat hibla pataas upang makamit ang do na ibig kong i-sport ng araw na yon.

Lumapit sya sa full-body mirror na halos katabi lang ng salaming kaharap ko. Pinanood ko syang tingnan ang sarili mula ulo hanggang paa bago ilipat ang tingin sakin, "bakla ka ba?"

Nasabunutan ko ang sarili sa gulat pero hindi ko ito pinahalata. Mahilig magbintang ang aking ina sa mga kung sinu-sinong lalaki na bading sila kaya't normal na lang na marinig ko ang mga katagang yon mula sa kanya matapos nya kong mahuling naka-eyeliner. Hindi ko sya pinansin at minadali ang pag-aayos ng buhok. Kinumpas-kumpas ko na lang ang aking mga pilik-mata upang malimutan ang kalapastanganang naganap.

"Are you gay?"

Patay tayo dyan. Nag-ingles si ina. Isa lang ang ibig sabihin nito: seryoso at walang bahid ng anumang uri ng pagbibintang ang tanong.



*Isang tanong, isang sagot. Wala na ngang ikut-ikot. Gusto ko lang liwanagin..*

Habang naghahagilap ng hangin sa loob ng siksikang dyip patungong Recto, mabagal na nagmaneho ang drayber sa saliw ng mga remix na awitin ni Donna Cruz. Tila sumakto ang lyrics ng kanta sa mga kaganapang nangyari ilang sandali pa lang ang nakalilipas. Noon ko lang nalaman ang pagkasabik ko sa muling pakikinig sa pamilyar na boses na ito. Pumikit ako at hinayaan ang sariling maanod pabalik sa mga ala-ala ng aking kabataan. Nag-umpisa sa isang eksenang nakikipag-away ako sa isang pinsang babae dahil pinipilit nyang mas magaling si Tootsie Guevarra kesa sa diyosang si Donna Cruz.

"Antanga-tanga mo talaga! Mas maganda si Donna Cruz, o!" sambit ko habang sinasampal sa kanya ang casette tapes ng mga bilat. "Tsaka ang galing kaya nyang umarte sa Do Re Mi," na may pahabol pang irap.

Dahil ako ang pinakamatanda sa aming mga nakababatang miyembro ng angkan, at sunud-sunuran silang lahat sakin, alam nyang hindi makabubuti sa kanya na pabulaanan ang mga sinasabi ko. Kaya't iniba na lang nya ang usapan.

"Bading ka ba kuya?"

"Wag ka nang makahiram-hiram ng mga paper doll ko a!"



Speaking of paper dolls, isa sa mga pinakamalalaking dagok ng kabataan ko ang kawalan ng Barbie. Kung tutuusin talaga, hindi naman ako interesado kay Barbie. Ang weird ng feeling na pag hinubaran mo sya, wala syang utong. Kay Ken. Kay Ken talaga ko nanghihinayang. Sa tuwing tinatanggalan ko sya ng damit, parang may kung-anong kapangyarihan akong nararamdaman. Pwedeng-pwede kong gawin ang anumang naisin ko sa kanya. Marahil ganito naman ang nararamdaman ng lahat kaya sila naglalaro ng manika. Pero kakaiba talaga pag si Ken na ang nilalaro ko, e. May init.

Noong ikawalo o ikasiyam kong kaarawan, natural lang na may handaan. Nilapitan ako ng isang tiya habang pinipilit kong isuot sa regalo nyang Masked Rider action figure ang isa sa mga gown ni Barbie. Nginitian ko sya ng isang ngiti ng batang lubos ang ligaya sa araw ng kanyang birthday at sinabing, "Tita, sa susunod regaluhan mo naman ako ng lalaking Barbie a!"

Tandang-tanda ko ang mukha nya nang mag-umpisang mabuo dito ang isang ngiti. Isang ngiti na, ngayong may muwang na ko, alam kong may malisya. Agad syang tumayo at hinanap ang aking ina. Kailanma'y di ko malilimutan ang sinabi nya ng mga sandaling yon.

"O sabi ko sayo bakla yang anak mo, e."

Sa edad na walo (o siyam), masyado na kong nasaktan sa sinabi nyang yon. Hindi ko na kailanman pinangarap pang magkaron ng Barbie. Kaya't pinagtiyagaan ko na lang na lagyan ng scotchtape ang mga naputol na leeg ng aking mga paper dolls at pinilit na makuntento sa paper doll na Tuxedo Mask kasama ang lahat ng mga Sailor Soldiers.



Speaking of Sailor Moon, ito ang naging dahilan ng pagiging malapit namin ng kaisa-isang babaeng niligawan ko sa tanan ng buhay ko. Inuulit ko: isa lang sya. Wag nyo kong husgahan.

Hindi ako sigurado kung kailan ba nagsimula ang ligawan portion, mamili ka na lang sa grade 1 at grade 2. Sya ang presidente ng klase sa parehong baitang. Sa mga mata ko, sya ang pinakaperpektong babae. Mabait, masipag, magalang, at matalino. Pero sa mga panahong ito, nahihirapan pa rin ako sa pagdedesisyon kung sino ba ang pinakaperpektong lalaki sa mga mata ko. Halos pare-pareho lang kasi ang pagtingin ko sa mga kaklase naming sina Richard, Josue, Stephen, Victor, Kurlz, Ronnel, Arthur, at Mark Johnson. Habang humahanga ako sa babaeng ito at sa iilan pang mababait, masisipag, magagalang, at matatalinong babaita, times ten pa ang bilang ng mga lalaking hinahangaan ko. Ewan ko talaga kung bakit hindi ko pa narealize na isa kong baklita.

(Note: Hinahangaan = Pinagpapantasyahan, oo sa edad na pito mahalay na ko)

Pero ni minsan hindi ko binigyan ng di magandang pakahulugan ang paghanga ko sa mga lulurking ito. Tulad na lang ng kawalan ng kahulugan ng bawat pagtalon-talon ko sa kama habang sinisigaw ang mga katagang "Sailor Venus, MAKE UP!"

Dahil si Sailor Jupiter ang paborito ni Rowena Joy A. Sanchez (o ayan na, napangalanan na ang mapalad na babae - may link pa o, pindot na!), gumuguhit ako ng larawan nito at pinapadala sa kanya kasama ng mga sulat na nagsasaad ng aking pag-ibig na hindi pwedeng hindi lagyan ng baby cologne. Matapos ang ilang buwang landian, ibinalita nya saking hindi pa sya handang magkaron ng kasintahan dahil masyado pa kaming bata. Nangako syang pagtungtong ng hayskul, maaari ko na ulit syang ligawan. Nalungkot ako. Ilang taon pa ang dapat hintayin. Mabuti na lang at nandyan pa rin sina Richard, Josue, Stephen, Victor, Kurlz, Ronnel, Arthur, at Mark Johnson upang paligayahin ako.

Sa kasamaang palad, hindi na kami nagkaroon ng ~one more chance~ nung hayskul. Dahil nung grade 5, tuluyan ko nang niyakap ang aking sarili. Nagising na lang ako isang araw at pinagsigawan sa aking school service na bading ako. Siguraduhin mong hindi mo nalaktawan yung salitang 'pinagsigawan,' a.

"Alam nyo ba....... BADING AKO!"

Walang labis, walang kulang. Yan ang mga eksaktong salitang nakapagpalaya sakin. Nakakapagtakang isang beses ko lang nasabi yan na nag-uumapaw sa conviction at passion. Masyado pa kong inosente at virgin sa edad na yon.



Magmula sa aking eureka moment sa school service hanggang ngayon, masyadong maraming tanong. Sunud-sunod ito, kabisado ko na nga, e. Laging mag-uumpisa sa "Alam ba sa inyo na bading ka?" tapos "Kelan mo sasabihin?" na susundan ng "Binubugbog ka ba ng tatay mo?" na may kasamang "Sundalo ba yung tatay mo?" kapag sinabi kong hindi, sasabihin namang "Kahit na, bubugbugin ka pa rin ng tatay mo!"

Kailangan talaga may bugbugan portion? Tapos sa huli lang yung mga tanong na "Kelan, paano, at higit sa lahat, bakit ka ba bading?"

Sa palagay ko, alam naman ng mga kapatid ko yung tungkol dito. Pakiramdam ko natitiktikan na rin ako ng tatay ko. Si ina lang talaga ang namumukod-tangi. Marahil in-denial lang sya, o baka isa sya sa mga naniniwalang pag bading ka, nagsusuot ka ng mga pambabae, may dede, at higit sa lahat, naglalagay ng eyeliner. At dahil tumumpak sakin ang isa sa mga requirements, nagsimula na syang maghinala.

Hindi talaga nakakatuwa yung pakiramdam ng may tinatago ka sa iyong loved ones. Pero ano naman ang dapat kong gawin, diba?

"Oy, mommy, just in case you haven't noticed, a. Bekbek ako."

Lucila Lalu. Wala namang kaekse-eksena. Kaya magmula grade 5, gusto ko talagang magkaron ng komprontasyon sa pagitan namin at nang magkaalaman na.

Sasabihin ko sa kanyang pinilit ko namang maging normal, e. Binalak ko talagang maging straight pagdating ng kolehiyo, kaya nga hindi ko 'muna' sinabi dahil gusto kong ayusin to ng mag-isa. Pero puro duduki yung mga kaklase ko nung 1st yr, 1st sem. Naglustay ako ng maraming-maraming pera para sa mga computer games, maka-bonding ko lang ang mga tunay na lalake, umaasang maambunan ng testosterone nila at maging mahilig din sa chicks. Pero sa paglulustay lang ng pera natapos ang lahat. Nahirapan lang ako lalo mag-out, shet.

Tulad nga ng sabi ni Donna Cruz, "Rain gently falls whenever we say goodnight."

Wala lang, gusto ko lang syang i-kowt. Ahihihi.



*Nakita ko sa kilos mo.. Wala ka ngang sinasabi, bitin tuloy ako.*

Nasira ang matiwasay kong pagmumuni-muni nang dahil sa isang babaeng ayaw mag-abot ng pamasahe. Tinititigan lang nya ang kamay ko habang inuulit-ulit kong isigaw ang "bayad daw.. BAYAD DAW! Puta naman, o."

Nang huminahon na ko matapos titigan ng masama ang pinutang babae, muli akong pumikit at bumalik sa pagninilay.


Alam kong ang komprontasyong naganap ay halos isang dekada ko nang inaasam-asam. Pero pinalagpas ko lang ito sa pamamagitan ng pananahimik.

Ewan ko lang, ina, pag inamin ng panganay mong lalaki ang kabadingan nya kung, tulad ni Donna Cruz, maging hanggang langit din ang lundag mo.
Subscribe
  • Post a new comment

    Error

    default userpic
    When you submit the form an invisible reCAPTCHA check will be performed.
    You must follow the Privacy Policy and Google Terms of use.
  • 21 comments