i ♥ dicklit (ilovedicklit) wrote,
i ♥ dicklit
ilovedicklit

  • Mood:
  • Music:

The Spires (Vol. 47); page 45

TAGALOG POPULAR VERSION
Andrew Salut


"Shet, magbi-bacon na naman 'tong brief ko!" sambit ni Emman matapos ang nagmamadali't kagyat na paghubad nya ng suot na pantalon at panloob. Mabilis nyang iniluklok ang sarili sa inodoro at walang kaabug-abog na iniluwal ang isang linggong gulang na ebak.

Humigit-kumulang apatnapung minuto din nyang tiniis ang mariing sakit at hilab ng tiyan. Apatnapung minuto ng pananayo ng balahibo at matinding pagpapawis sa kabila ng di karaniwang panlalamig. Kasabay ng pagsumpa sa matinding buhos ng ulan, pinagsisisihan nya ang naging desisyong kumain ng Mac 'n' Cheese kaninang hapon gayong alam naman nya ang maaari nitong kahantungan.

Hinubad ni Emman ang suot na uniporme, piniga ang tubig-ulan sa kanyang mga paa, inihagis ito sa basket ng maruruming damit, at saka inayos ang pagkakaupo sa inodoro. Sinagad na nya ang pagbabawas upang mabigyan ng mas malaking espasyo ang pamamahayan ng lahat ng kakainin nya sa loob ng isa na namang linggo.

Matagal din siyang napapikit dahil sa natamong ginhawa nang gitlain ng isang malakas na kulog ang kapayapaan ng kasilyas. Ganap na kadiliman ang sumambulat sa kanya nang sya'y napamulat.

"Oh, crap!" sigaw nya sabay suntok sa di maaninag na pader.

Nawalan na naman ng ilaw. Buong gabi na naman nyang ipagdarasal na mamatay na sana ang lahat ng mga nagja-jumper ng kuryente sa kalye nila.

Pugad ng masasamang-loob ang lugar nila Emman. At dahil dito, matagal-tagal na panahon na rin nyang inaasam lumipat sa mas tahimik na lugar kung saan hindi kinakailangan ang matinding pagmamahal sa sarili upang mabuhay. Umaapaw ang kalsada sa dami ng tambay na naghihintay ng maliligaw sa kani-kanilang teritoryo at maya't maya'y may makikitang naghahabulan na ng kutsilyo. Kahit saan lumingon, may makikitang bata na nagpapakabangag sa isang supot ng rugby. Pero sa gabing ito, hindi pinahihintulutan ng ulan ang sinumang gustong bumahid sa kalsada.

Walang ideya si Emman kung ilang sandali na ang nakalipas. Tanging ang pagbagsak lang ng malakas na ulan ang naririnig nya at tanging ang matinding aroma na bumabalot sa kasilyas ang kanyang kasama. Wala syang ideya kung paano tatakas sa kinasasadlakang dilim.

Naroon sya. Bulag, hubad at mag-isa. Nais humingi ng saklolo ngunit hindi naman nya kayang pahintulutan ang matagpuan sya ninuman sa ganoong sitwasyon. Nag-uumpisa na syang maawa sa sarili. Kasalukuyan syang nagdedesisyon kung ipamumunas nya ang damit na hinubad sa kanyang likuran nang biglang magliwanag ang kalangitan.

Sa isang kisap-mata, nakita nya ang kinalalagyan ng sabon at ng isang walang-lamang balde ng tubig. Muli nabuhay ang kanyang loob.

"Kumidlat ka pa, kumidlat ka pa, kumidlat ka pa," taimtim niyang dasal.

Ilang sandali pa at muli niyang nasaksihan mula sa siwang ng maliit na bintana ang pagguhit ng liwanag sa madilim na langit. Agad niyang hinablot ang kanyang bag at naghanap ng pwedeng ipamahid sa nagsisimulang manigas na tipak ng tae na hindi maiiwasang maiwan sa kanyang likuran. Nagtagal ang liwanag sa langit hanggang sa matagpuan nya sa kailaliman ang isang lumang bibliya.

"Hallelujah, hallelujah, hallelujah!" bulong nya sa sarili.

Paulit-ulit nyang hinalikan ang aklat sa labis na galak at inumpisahang punitin ang mga pahina nito mula sa mga kabanata ng sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma hanggang sa mga litanya ng mga pangako ng buhay na walang hanggan. Nilukot-lukot nang kaunti at sinimulan ang pagpapahid. Dahil manipis ang papel, dala-dalawa, apat-apat na pahina ang sabay-sabay nyang pinupunit.

Sa gitna ng kadiliman, isa-isang pinatawad ni Emman ang lahat ng naging sanhi ng kanyang kamalasan. Kabilang na rin dito ang ulan. Ngumiti sya sa sarili at saglit nyang nalimutan.

Hindi pala talaga kailangan ang kaligtasan.


 
Subscribe
  • Post a new comment

    Error

    default userpic
    When you submit the form an invisible reCAPTCHA check will be performed.
    You must follow the Privacy Policy and Google Terms of use.
  • 9 comments